Mariing nagpaalala ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa lahat ng mga empleyado nito na iwasan ang paglalaro ng cellphone at computer habang nasa oras ng trabaho.

Ito ay alinsunod sa Kalatas Blg. 173, Series of 2025, na muling pinagtibay mula sa naunang Kalatas Blg. 105, Series of 2023. Sa kautusan ni MSSD Minister Atty. Raisa Jajurie, mahigpit na ipinagbabawal ang paglalaro ng mobile games at computer games habang nakaduty ang isang kawani ng ministeryo.

Ayon sa MSSD, may natanggap silang ulat ukol sa ilang empleyadong hindi seryoso sa kanilang tungkulin at nasasangkot sa paglalaro ng gadget sa gitna ng opisyal na oras. Anila, ang ganitong gawain ay nakakaapekto sa produktibong operasyon ng kanilang tanggapan.

Babala pa ng ministeryo, ang sinumang mahuhuling lumalabag ay maaaring masuspinde. Isa rin ito sa mga reporma ng ahensiya kasunod ng pahayag ni Chief Minister Abdulraof Macacua na istriktong ipatupad ang alas-8 ng umagang reporting time sa lahat ng kawani ng BARMM.

Layunin ng pamunuan na masiguro ang disiplina, dedikasyon, at pagiging epektibo ng serbisyo publiko sa rehiyon.