Labis na pagdadalamhati ang ipinahayag ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa biglaang pagkamatay ni Engr. Romeo “Ryan” Livelo, isang empleyado ng ahensya na pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Sa kanilang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng MSSD na si Engr. Livelo ay hindi lamang isang mabuting kawani kundi isang inspirasyon at huwaran ng tapat na paglilingkod para sa Bangsamoro. Anila, ang walang-awang pamamaslang sa kanya ay hindi lamang pag-atake sa kanyang buhay kundi sa adhikain ng ministeryo na maghatid ng makabuluhang serbisyo sa mamamayan.

Mariing kinondena ng MSSD ang naturang krimen at tiniyak na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang masiguro ang hustisya para kay Engr. Livelo.

“Hindi madaling punan ang iniwang puwang ni Engr. Ryan, subalit nananatiling matatag ang MSSD sa pagbibigay ng tapat na serbisyo para sa lahat ng Bangsamoro,” ayon sa pahayag.

Patuloy namang nagluluksa ang buong ministeryo habang nananawagan ng katarungan at hustisya para sa kanilang kasamahan.