Nilinaw ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) na hindi kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang 83 guro sa Lanao del Sur na kasalukuyang kumakalat sa social media.
Ayon sa opisyal na pahayag ng MSSD, wala pang opisyal na ulat na natanggap hinggil sa naturang listahan. Anila, ang mga numerong lumalabas sa social media ay hindi dumaan sa pagsusuri at hindi rin inilabas ng anumang ahensya ng gobyerno.
Bukod dito, itinanggi ng MSSD na nagkaroon ng anumang pulong sa pagitan ng MSSD at MBHTE (Ministry of Basic, Higher, and Technical Education) kaugnay ng isyung ito. Mali rin, ayon sa opisina, ang paggamit ng mga larawang ginamit sa kumakalat na post. Ang mga kuha sa litrato ay mula pa noong Oktubre 31, 2024, sa MOA Signing para sa technical-vocational skills training ng mga lehitimong 4Ps beneficiaries, at walang kaugnayan sa sinasabing listahan ng guro.
Ayon pa sa MSSD, ang nag-post ng maling impormasyon ay walang opisyal na koneksyon sa MSSD, sa 4Ps, o sa MBHTE.
Hinimok ng MSSD ang publiko na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa hindi kumpirmadong balita. Dagdag pa ng opisina, patuloy nilang binabantayan at sinusuri ang implementasyon ng programa upang matiyak na tanging ang tunay na nangangailangan lamang ang nakatatanggap ng tulong mula sa gobyerno.

















