Nanawagan ang Ministry of Trade, Investments and Tourism (MTIT) sa mga negosyante at mangangalakal sa Bangsamoro na panatilihing patas at matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong ginugunita ang banal na buwan ng Ramadhan.
Sa isang pahayag noong Pebrero 20, binigyang-diin ni MTIT Minister Ferserina Mohammad ang mas pinaigting na kampanya ng kagawaran sa price monitoring at consumer protection upang matiyak na nananatiling abot-kaya at sapat ang suplay ng mga pangunahing produkto sa buong rehiyon.
Ayon sa kalihim, mahalagang isabuhay ng mga negosyante ang diwa ng Ramadhan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng malinaw at makatarungang pagpepresyo, lalo na sa panahong tumataas ang demand ng mga mamimili.
Kasabay nito, hinikayat din ng Pamahalaang Bangsamoro ang iba’t ibang sektor ng ekonomiya na maging katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan sa presyo at suplay ng mga bilihin upang matiyak na maipagdiriwang ng bawat pamilya ang Ramadhan nang may kapayapaan at pagkakaisa.
Bilang bahagi ng mandato nito sa proteksyon ng mamimili, inatasan ng MTIT ang lahat ng provincial offices na makipag-ugnayan sa mga local government unit upang i-activate ang Local Price Coordination Councils (LPCCs). Layunin nitong magsagawa ng mas pinaigting na price at supply monitoring sa mga pampublikong pamilihan at establisimyento sa rehiyon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines, ang overpricing ay maituturing na unfair at unconscionable sales act o pananamantala sa mamimili, lalo na sa panahon ng pangangailangan. Samantala, itinuturing naman itong profiteering sa ilalim ng Republic Act No. 7581 o Price Act.
Ang mga mapapatunayang lalabag sa mga nasabing batas ay maaaring patawan ng multang administratibo na aabot sa P300,000 at/o pagkakakulong ng hanggang isang taon, bukod pa sa iba pang kaukulang parusa.

















