Sa pangunguna ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, isinagawa noong Oktubre 20, 2025 ang sabayang Flag Raising Ceremony, Interfaith Prayer, at Kanduli for Peace bilang paggunita sa ika-8 anibersaryo ng pagpapalaya ng Marawi City mula sa teroristang Maute-ISIS group. Kasabay rin nito ang pagdiriwang ng ika-38 anibersaryo ng 6th Infantry Division ng Philippine Army.

Ang programa ay may temang “Marawi 8 – Sa Tapang, Sa Pagbangon, Sa Kapayapaan”, bilang pagpupugay sa katapangan, sakripisyo, at katatagan ng mga sundalo at mamamayang Pilipino na nag-alay ng buhay at panahon para maibalik ang kapayapaan sa Marawi noong 2017. layunin nitong ipaalala ang kahalagahan ng patuloy na pagkakaisa tungo sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.

Binasa ni Colonel Jearie Boy P. Faminial, Deputy Brigade Commander, ang opisyal na mensahe ni AFP Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ang pagpapatuloy ng pagtutulungan upang mapanatili ang kapayapaan at maiangat ang pamumuhay ng mga komunidad sa Mindanao. Kanyang kinilala ang mga kabayanihan at sakripisyo ng mga sundalo at mamamayan na naging haligi ng katatagan ng bansa.

Kasunod nito ay ang Interfaith Prayer and Kanduli for Peace na may temang “From the Liberation to Lasting Peace: Stronger Together for a Peaceful Central and South Central Mindanao.” Pinangunahan nina Reverend Andrewmar Manalastas at Ustadz Solaiman Abdullazis ang panalangin para sa patuloy na pagkakaisa at kapayapaan sa kabila ng pagkakaiba ng relihiyon at kultura. Ang ginawang kanduli ay simbolo ng pasasalamat sa mga natamong tagumpay at pagpapahayag ng pangakong ipagpapatuloy ang adhikain ng kapayapaan at kaunlaran.

Sa pangunguna ni BGen. Catu, pinagtibay ng 601st Brigade ang kanilang paninindigan na ipagpatuloy ang diwa ng katapangan, pagbangon, at kapayapaan — hindi lamang para sa Marawi, kundi para sa buong Mindanao at sambayanang Pilipino.

Photo credits: 601st Infantry Unifier Brigade