Ipinresenta ng 38th Infantry Battalion (38IB) ang siyam (9) na dating rebelde at pitong (7) dating kasapi ng extremist group kay South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. sa Provincial Capitol, bilang patunay ng patuloy na pangako ng yunit sa pagsusulong ng kapayapaan at katatagan sa lalawigan.

Pinangunahan ni LTC Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng 38IB, ang naturang presentasyon sa pakikipagtulungan ng 1st Mechanized Brigade, na kinatawan ni COL Emil Rex Santos, Deputy Brigade Commander.

Kabilang din sa programa ang pormal na turn-over ng mga isinukong armas, gaya ng M1 Garand rifles, M2 carbines, M653 rifles, improvised M16 rifles, homemade M79 grenade launchers, at 7.62mm rifles.

Ayon sa ulat, ang mga dating Rebelde (FRs) at dating mga ekstremista (FVEs) ay beripikado ng Joint AFP–PNP Intelligence Committee at ngayon ay nakatakdang sumailalim sa De-radicalization at Reintegration Program sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni LTC Erwin E. Felongco na ang naturang tagumpay ay patunay ng patuloy na pagtitiwala ng mamamayan sa sinseridad ng pamahalaan na maghatid ng tunay na kapayapaan at kaunlaran. Dagdag pa niya, nananatiling tapat ang kanilang yunit sa pagtulong sa mga dating kalaban ng estado upang makabalik sa lipunan at muling maging mga produktibong mamamayan.

Samantala, ipinahayag ni Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. ang kanyang buong suporta sa inisyatibong ito. Tiniyak niya sa mga FRs at FVEs na magpapatuloy ang tulong ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng mga livelihood packages, edukasyon, at skills training programs bilang bahagi ng kanilang muling pagsasanib sa kani-kanilang mga komunidad.

Ang hakbanging ito ay patunay ng tagumpay ng Whole-of-Nation Approach at E-CLIP program sa South Cotabato. Ipinapakita rin nito kung gaano kahalaga ang malapit na kooperasyon ng militar, pamahalaang panlalawigan, at mga lokal na stakeholder sa pagtatamo ng pangmatagalang kapayapaan at napapanatiling kaunlaran sa lalawigan.

Photo credits to 38th Infantry “We Clear” Battalion