Sumuko ang walong dating miyembro ng New People’s Army (NPA) sa 37th Infantry (Conqueror) Battalion sa Lebak, Sultan Kudarat nitong Oktubre. Ang kanilang pagsuko ay bahagi ng desisyon nilang talikuran ang armadong pakikibaka at mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.

Kinilala ang mga sumukong indibidwal bilang dating kasapi ng mga armadong grupo na nasangkot sa ilang insidente ng karahasan at terorismo sa mga lalawigan ng Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato.

Ayon sa ulat ng 37th Infantry Battalion, ang pagsuko ng mga dating rebelde ay resulta ng tuloy-tuloy na operasyon at koordinasyon sa pagitan ng 603rd Infantry Brigade, Philippine National Police (PNP), at mga lokal na pamahalaan ng Kalamansig at karatig-bayan. Idinagdag ng yunit na nakatulong din ang pakikipag-ugnayan ng mga MCSSP teams at lokal na opisyal sa pagpapalakas ng kampanya para sa pagbabalik-loob ng mga kasapi ng armadong grupo.

Patuloy namang nananawagan ang 37th Infantry (Conqueror) Battalion at Pamahalaang Panlalawigan ng Sultan Kudarat sa iba pang natitirang miyembro ng NPA na makipagtulungan sa pamahalaan, magbalik-loob, at makibahagi sa mga programa para sa kapayapaan at pag-unlad ng komunidad.