Sumalpok ang isang multicab sa isang oil tanker sa kahabaan ng National Highway sa Barangay San Mateo, Aleosan, Cotabato, pasado alas-5:50 ng hapon nitong Biyernes, Hunyo 13, 2025, na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pasahero at pagkasugat ng tatlo pa.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, sakay ng multicab ang isang pamilyang mula Pikit, North Cotabato nang mangyari ang insidente.
Kinilala ang mga nasawi na sina Bebot Ulangkaya, drayber ng multicab at residente ng Brgy. Lagunde, Pikit; at si Jahara K. Musa, 57-anyos, may asawa, na taga-Pikit rin.
Samantala, isinugod sa pagamutan ang tatlong sugatang pasahero ng multicab na sina Bailanie N. Musa, Gino Ulangkaya, at Juharto Alimanan, isang menor de edad — pawang mga taga-Pikit din.
Sa tindi ng banggaan, wasak ang unahan ng multicab at halos hindi na makilala. Nagtamo ng grabeng pinsala ang drayber na si Ulangkaya na agad ring binawian ng buhay sa pinangyarihan ng aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng Aleosan Municipal Police upang matukoy ang sanhi ng insidente at kung may pananagutan ang kabilang panig.