Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 (PDEA RO9) ang dalawang high-value drug personalities at nasamsam ang tinatayang ₱6.8 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Miputak, Dipolog City noong umaga ng Nobyembre 11, 2025.

Bandang 9:10 ng umaga, isinagawa ng PDEA RO9, Zamboanga del Norte Provincial Office (ZNPO) ang operasyon sa tulong ng Seaport Interdiction Unit-Zamboanga del Norte (SIU-ZDN), Dipolog City Police Station, Regional Drug Enforcement Unit 9 (RDEU9), at PNP-DEG SOU9.
Kinilala ang mga naaresto na sina alias Gilben, 37 taong gulang, lalaki, residente ng West Poblacion, Rizal, Zamboanga del Norte, at alias Sarah, 28 taong gulang, babae, residente ng Barangay Lawaan, Dapitan City, Zamboanga del Norte.

Nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang dalawampung (20) piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang isang (1) kilong hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug value na ₱6,800,000.00. Narekober din ang isang sasakyan, buy-bust money, at iba pang non-drug evidence na ginamit sa transaksiyon.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon sa pamunuan ng PDEA Regional Office 9, ang nasabing operasyon ay bahagi ng patuloy na kampanya ng ahensiya laban sa malakihang kalakalan ng ipinagbabawal na droga sa rehiyon. Muling nanawagan ang PDEA sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng impormasyon upang tuluyang mapuksa ang ilegal na droga sa bansa.

















