Huli ng Police Regional Office 11 (PRO 11) ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Barangay JP Laurel, Panabo City, Davao del Norte, bandang 1:28 ng madaling araw ng Disyembre 6, 2025.
Ang mga suspek na nakilala bilang alias Noli at alias Froi ay naaresto sa pangunguna ng Panabo City Police Station, sa pamumuno ni PLTCOL Dexter R. Cuevas, Acting Chief of Police, at PCPT Harold O. Mejonda, Intelligence Officer, sa ilalim ng superbisyon ni PCOL Glenn G. Cristines, Provincial Director ng Davao del Norte Police Provincial Office. Kasama rin sa operasyon ang mga tauhan mula sa RPDEU 11, PIU-DN, 2nd DNPMFC, at PDEA Davao del Norte.
Narekober mula sa mga suspek ang walong sachet ng umano’y shabu na may bigat na 80.3 gramo, na may halagang ₱546,040.00. Nakuha rin ang buy-bust money, 33 pirasong boodle money, digital weighing scale, sling bags, at isang sasakyan na ginamit sa operasyon.
Ayon kay Regional Director PBGEN Leon Victor Z. Rosete, patuloy ang PRO 11 sa pagpapalakas ng kanilang anti-illegal drug operations alinsunod sa direktiba ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. Binibigyang-diin nila na walang puwang ang mga nagbebenta ng droga sa Rehiyon ng Davao at hinihikayat ang publiko na maging mapagbantay at iulat ang anumang aktibidad na may kinalaman sa droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

















