Nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang Php102,000 halaga ng shabu ang isang operasyon sa Wao, Lanao del Sur, kung saan isang hinihinalang tulak ng droga ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) noong Nobyembre 22, 2025.
Ayon sa ulat, kinilala ang suspek sa alyas na “Allan”, nasa hustong gulang, na nahulihan ng pinaghihinalaang shabu sa Purok 2, Brgy. East Kili-Kili, sa nasabing bayan.
Agad na dinala sa kustodiya ng PDEA-BAR ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO-BAR, ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga operatiba na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto.
Hinimok din niya ang mga komunidad sa Bangsamoro na manatiling mapagmatyag at patuloy na makipagtulungan sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.

















