Lumagda at pumasok sa kasunduan o Memorandum of Agreement ang Bangsamoro Human Rights Commission at National Amnesty Commission.
Nakasaad sa pinirmahang kasunduan ang magiging kolaborasyon ng BHRC at NAC para maprotektahan ang karapatan ng mga aplikante na nais kumuha ng amnestiya.
Ayon kay BHRC Chairman Atty. Abdul Rashid Kalim, magiging katuwang sila ng National Amnesty Commission sa pagbibigay ng mga payong legal at paglalahad ng impormasyon sa mga aplikante ng amnestiya hinggil sa kanilang mga karapatan alinsunod sa konstitusyon at batas ng bansa.
Nangako ang magkabilang panig na sina BHRC Chair Atty. Abdul Rashid Kalim at NAC Chairperson Atty. Lea Tanodra-Armamento na ang kanilang mga opisina ay magtutulungan sa pagpapatupad ng amnestiya para sa mga dating rebelde.
Ang amnestiya ay programa ng pamahalaan upang magawaran ng amnestiya ang mga rebeldeng grupo na kinabibilangan ng MILF, MNLF at iba pa na may mga nakabinbin o kasalukuyang binubuno na kaso upang sila ay makapamuhay ng malinis at malaya sa mata ng tao at ng batas.