Isang trahedya ang gumimbal sa buong mundo kahapon Hunyo 12, 2025 matapos bumagsak ang Air India Flight 171 ilang segundo lamang matapos ang paglipad nito mula sa Sardar Vallabhbhai Patel International Airport patungong London. Sakay ng eroplano ang 242 katao, kabilang ang mga pasahero at crew, ngunit sa kabila ng kalunos-lunos na insidente ay isang pasahero lamang ang nakaligtas.

Kinilala ang survivor na si Vishwash Kumar Ramesh, isang 40-anyos na British national. Ayon sa kanyang salaysay, nakaupo siya sa seat 11A malapit sa emergency exit. Ikinuwento niya na nagising siya na napapalibutan ng mga katawan at pira-pirasong bahagi ng eroplano. Sa matinding takot, tumayo siya at tumakbo hanggang sa may isang tao na tumulong sa kanya at isinakay siya sa ambulansya. Kasalukuyan siyang nagpapagaling sa isang ospital sa Ahmedabad.

Sinabi niya:

“It all happened so quickly. When I got up, there were bodies all around me. I was scared. I stood up and ran. There were pieces of the plane all around me.”

Bukod sa mga nasawi sa loob ng eroplano, iniulat din na may mga taong namatay sa lupa matapos bumagsak ang eroplano sa isang bahagi ng lungsod malapit sa B. J. Medical College. Umabot sa mahigit dalawampu ang kumpirmadong patay sa lupa habang hindi bababa sa animnapu ang sugatan.

Ayon sa mga awtoridad, ang eroplano ay isang Boeing 787-8 Dreamliner na may tail number VT-ANB. Naitala na umabot lamang ito sa altitude na 625 feet bago nawalan ng signal. Narekober na rin ng mga imbestigador ang flight data recorder o black box na magbibigay linaw sa tunay na sanhi ng pagbagsak.

Isinailalim na sa imbestigasyon ng India’s Aircraft Accident Investigation Bureau ang insidente, katuwang ang mga eksperto mula sa Estados Unidos at United Kingdom. Bilang tugon, pansamantalang sinuspinde ng pamahalaan ng India ang lahat ng flights ng Boeing 787 ng Air India habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.

Ayon sa mga ulat, kasama rin ni Ramesh sa biyahe ang kanyang nakatatandang kapatid na isa sa mga nasawi. Habang patuloy ang pagdadalamhati ng mga kaanak ng mga biktima, si Ramesh ang tanging buhay na patunay sa laki ng trahedyang naganap.