Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso ng isang dating CAFGU member sa Tacurong City na kumalat sa social media matapos akusahan ng panghaharass at pananakit ng isang babae.
Kinilala ang suspek bilang si alyas Ran, 26 anyos, residente ng Barangay New Carmen, Tacurong City, at dating miyembro ng CAFGU na na-assign sa 72nd Infantry Battalion.
Ayon sa biktima na si Jean Marie, inaway at sinaktan siya ng suspek sa harap ng publiko, kabilang ang sipa sa tiyan. Agad itong nagdulot ng malawakang pagkondena mula sa netizens matapos kumalat ang video online.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad na nagpanggap bilang Scout Ranger si Hebron, at ginamit pa ang mga na-edit na litrato upang paniwalaan ng publiko na miyembro siya ng 803rd Brigade.
Dagdag pa ng Tacurong City Police, may nakaraan na rin si alyas Ran sa kasong pagnanakaw sa Barangay Kudanding, Isulan, Sultan Kudarat.
Nagpaalala si Colonel Harold Cabunoc ng Scout Ranger sa publiko na maging mapanuri sa mga taong nagsusuot ng uniporme at humihingi ng pera, nangangalap ng miyembro, o gumagamit ng military identity sa social media, dahil kadalasan ay peke at panlilinlang lamang.
Dahil sa insidente, posibleng humarap si alyas Ran sa panibagong kaso.

















