Ginawaran ng Philippine Air Force (PAF) ng buong military honors ang mga nasawing kawal ng hangin na sakay ng Super Huey helicopter na bumagsak sa Agusan del Sur noong Nobyembre 4, 2025, habang nagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster response mission kasunod ng pananalasa ng Bagyong “Tino.”

Sergeant Yves B. Sijub, PAF ay dumating sa Rajah Buayan Air Station, General Santos City sakay ng NC-212i aircraft, samantalang si Airman Ameer Khaidar T. Apion, PAF ay dinala naman sa Edwin Andrews Air Base, Zamboanga City upang muling makapiling ng kanyang pamilya.
Samantala, ang mga labi nina Captain Paulie B. Dumagan, PAF, Second Lieutenant Royce Louis G. Camigla, PAF, Sergeant John Christopher C. Golfo, PAF, at Airman First Class Ericson R. Merico, PAF ay dumating sa Colonel Jesus Villamor Air Base, Pasay City noong Nobyembre 6, 2025, sakay ng C-130 aircraft mula sa Davao Air Station.

Ang kanilang mga labi ay sinalubong ng mga naulilang pamilya at mahal sa buhay, kasama si Lieutenant General Arthur M. Cordura, PAF, Commanding General, PAF, at iba pang mga opisyal ng militar na nagpaabot ng pagpupugay sa kanilang katapangan at sakripisyo.
Bilang pagkilala sa kanilang di-matatawarang kabayanihan at walang pag-iimbot na paglilingkod, iginawad sa mga nasawing kawal ang Distinguished Aviation Cross, bilang tanda ng kanilang dakilang kontribusyon at katapatan sa tungkulin.

Lubos na nakikiramay ang buong Philippine Air Force sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi. Ang kanilang kabayanihan ay mananatiling buhay sa kasaysayan bilang mga “Guardians of the Skies and Defenders of the Nation” mga mandirigmang nag-alay ng buhay alang-alang sa bayan.

















