Nasabat ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) ang kahon-kahong smuggled na assorted sigarilyo na nagkakahalaga ng P8 milyon habang nagsasagawa ng maritime patrol sa karagatan malapit sa islang bayan ng Pata, Sulu.

Ayon sa paunang imbestigasyon, natuklasan ng CGDSWM na wala ring kaukulang dokumento ang naturang kargamento, gayundin ang sasakyang pandagat na nagdala nito, kabilang ang kinakailangang Safety, Security, and Environmental Numbering System marking.

Dinala ang sasakyang pandagat at mga ipinuslit na sigarilyo sa pantalan ng Sangali, Zamboanga City para sa kustodiya, imbentaryo, at kaukulang disposisyon.

Kabilang ito sa pinaiigting na kampanya ng Philippine Coast Guard laban sa smuggling at iba pang iligal na gawain sa karagatan, bilang bahagi ng pagpapatupad ng maritime laws upang matiyak ang kaligtasan at legalidad ng lahat ng aktibidad sa sakop ng Zamboanga Peninsula.