Nanawagan si dating Department of Finance Undersecretary Cielo Magno na ilipat na sa PhilHealth ang pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP).
Aniya, dapat nang wakasan ang patronage politics kung saan ang mga pasyente ay napipilitang humingi ng guarantee letters mula sa mga politiko bago makakuha ng tulong.
Ang MAIFIP ay kasalukuyang pinopondohan ng DOH upang magbigay ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pasyente, ngunit binabatikos ito dahil sa mabagal na proseso at umano’y paggamit ng ilang opisyal para sa impluwensiyang politikal.
Sa panukala ni Magno, mas makabubuti kung ang pondo ay gawing bahagi ng institutionalized health financing system ng PhilHealth, alinsunod sa Universal Health Care Act.
Sa ganitong paraan, ang tulong ay magiging awtomatikong benepisyo para sa mga pasyente at hindi na nakadepende sa endorsement ng mga politiko.
Noong nakaraang taon, tiniyak ng Malacañang na hindi dadaan sa mga politiko ang health assistance, ngunit nananatiling hamon ang fragmented healthcare financing sa bansa.
Kasabay nito, iminungkahi ng Department of Health na idiretso na sa mga ospital ang P51 bilyong pondo para sa MAIFIP sa susunod na taon.
Ayon kay DOH spokesperson Asec. Albert Domingo, tinanggap na ng Senado ang panukalang ito upang masiguro na ang tulong pinansyal ay agad na makarating sa mga pasyente.
Layunin ng direktang paglalaan ng pondo na mapabilis ang proseso at maiwasan ang pagkaantala na dati’y nararanasan kapag dumadaan pa sa DOH central office.
Inaasahan ng DOH na sa bagong sistema ay mas magiging transparent ang paggastos at mas agarang matutulungan ang mga pasyente.

















