Arestado ang isang ina at ang kanyang dalawang anak matapos masangkot sa operasyon ng umano’y drug den sa Barangay Poblacion Dalican sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kahapon, araw ng Linggo, Marso 15.
Sa ulat ng PRO-BAR, nadakip ang tatlong suspek matapos magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer na pulis mula sa Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station sa loob mismo ng kanilang pinapatakbong drug den.
Ayon kay Jaysen De Guzman, direktor ng PRO-BAR, agad na inaresto ang mga suspek matapos ang matagumpay na buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng pulisya.
Inamin umano ng mga suspek sa harap ng mga lokal na opisyal at mamamahayag ang kanilang pagmamay-ari sa drug den kung saan sila naaresto sa naturang operasyon.
Ayon pa kay De Guzman, pinlano ang operasyon sa koordinasyon nina Katherine Paydoen, hepe ng pulisya ng bayan, kasama sina Mayor Abdulmain Abas at Vice Mayor Bobsteel I. Sinsuat na kapwa opisyal ng lokal na pamahalaan.
Agad namang ipinasara ng mga lokal na opisyal at pulisya ang naturang drug den na ngayon ay binabantayan ng mga barangay official at community watchmen.
Sa ngayon ay nakakulong na ang mag-iina at sasampahan ng kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, ang operasyon ng drug den ay isang non-bailable offense.

















