Mahigpit na mino-monitor ng National Police Commission o NAPOLCOM–BARMM Regional Office ang kumakalat na viral video sa social media na nagpapakita ng umano’y hazing at pagmamaltrato sa mga MILF-PNP integratees at regular quota recruits.

Ayon sa NAPOLCOM–BARMM, ang insidente ay iniulat na naganap sa Headquarters ng Regional Mobile Force Battalion 14B o RMFB 14B ng Police Regional Office–BAR, na matatagpuan sa Lamitan City, Basilan.

Bilang tugon, agad na nagsagawa ng paunang imbestigasyon ang NAPOLCOM–BARMM upang matukoy ang mga katotohanan at pangyayari sa likod ng nasabing insidente. Layunin ng hakbang na tiyakin na ang lahat ng miyembro at recruit ng kapulisan ay tinatrato nang may dignidad at alinsunod sa batas, umiiral na patakaran, at pamantayan ng karapatang pantao.

Nanawagan din ang ahensya sa publiko na igalang ang due process at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi pa beripikadong impormasyon na maaaring makaapekto sa patas at maayos na daloy ng imbestigasyon.

Tiniyak ng NAPOLCOM–BARMM na magsasagawa ng nararapat na aksyon batay sa resulta ng imbestigasyon, at pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas at sa mga alituntunin ng kapulisan.