Ipinasailalim ng National Police Commission (Napolcom) sa 90-araw na preventive suspension si Police Brigadier General Romeo Macapaz, dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at kasalukuyang direktor ng Police Regional Office 12.

Ayon sa Napolcom, may sapat na batayan para pansamantalang alisin sa pwesto si Macapaz habang iniimbestigahan ang umano’y pagmaniobra niya sa ebidensya kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero sa Batangas.

Isinampa ang reklamo ng pamilya Patidongan, partikular ni Elakim Patidongan, kapatid ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas “Dondon” o “Totoy.” Batay sa kanilang pahayag, lumabas ang alegasyon na posibleng tinamper ang ilang ebidensiyang mahalaga sa kaso.

Nauna nang naghain ang Napolcom ng administrative case laban kay Macapaz dahil sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer. Nanindigan ang ahensya na ang suspensyon ay isang preventive measure, upang mapanatili ang integridad ng imbestigasyon habang nagpapatuloy ang pagdinig sa reklamo.