Isang 13-anyos na batang lalaki ang natagpuang wala nang buhay sa bahagi ng damsite sa Riverside, Barangay Topland, Koronadal City ngayong umaga, Hunyo 11, 2025. Ayon sa mga awtoridad, napaulat na nawawala ang bata mula pa noong Biyernes, Hunyo 6.
Sa panayam kay Punong Barangay Terrence Ehimplar, lumalabas na huling nakita ang biktima habang naliligo umano sa damsite kasama ang ilan pang kabataan. Ayon sa salaysay ng mga kaibigan ng bata, lumusong ito sa tubig at hindi na muling lumitaw. Dahil sa takot, hindi agad nakapagsumbong ang mga ito sa kanilang mga magulang o sa mga opisyal ng barangay.
Bandang alas-10 ng umaga ngayong Miyerkules, natagpuan na lamang ang katawan ng biktima sa ilalim ng dam. Naging masalimuot ang retrieval operation dahil sa lokasyon ng katawan, na naiipit umano sa mga bato at sa istruktura ng dam.
Iginiit ni Kapitan Ehimplar na kung agad lamang naisumbong ang pangyayari, maaaring nasagip pa ang bata. Aniya, magsasagawa na ang barangay ng mga hakbang upang higpitan ang seguridad sa nasabing lugar at ipagbabawal na ang paliligo sa damsite upang maiwasan ang mga kaparehong insidente.
Nagpaabot rin ng panawagan ang opisyal sa mga kabataan na huwag matakot o magdalawang-isip sa pagsasabi ng katotohanan sa tuwing may insidenteng hindi kanais-nais, upang agad itong matugunan at hindi na humantong sa mas malalang trahedya.