Umani ng malaking tagumpay ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang kampanya kontra smuggling matapos nilang masamsam ang 350 master cases ng ipinagbabawal na imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang Php 14,974,750. Kasabay nito, apat na indibidwal ang inaresto sa lungsod.
Ayon sa ulat ng NBI Western Mindanao Regional Office (NBI-WEMRO), ang operasyon ay bunsod ng impormasyon mula sa Philippine Navy-Western Mindanao Naval Command tungkol sa isang motorized watercraft na tinatawag na “NURSHAIMA.” Nahuli ang barko sa gitna ng maritime patrol sa karagatan ng Zamboanga City.
Agad na isinagawa ng NBI ang kumpirmatory investigation at natukoy na ang apat na crew ng nasabing barko—sina Marlon Pulaon y Sallih, Jamar Sallih y Mohammad, Abner Jubail y Sallih, at Alfaik Sammy u Ladja—ay walang maipakitang kaukulang transport o import clearance mula sa ahensiyang may hurisdiksyon.
Dahil dito, inaresto ang mga suspek at nasamsam ang barko kasama ang kargamento. Kasalukuyang isinampa ang mga kasong kriminal laban sa kanila sa ilalim ng Section 7(a) at 7(g) ng Republic Act No. 12022 na nagbabawal sa hindi awtorisadong pag-angkat at transportasyon ng reguladong produkto.
Iginiit ni Acting Director Atty. Angelito DLP Magno ang patuloy na dedikasyon ng NBI laban sa smuggling syndicates sa buong bansa. Ayon sa kanya, ang mga ilegal na gawain tulad nito ay nakasisira sa lokal na ekonomiya, nagpapababa sa kita ng gobyerno, at nagbubukas ng oportunidad para sa katiwalian. Patuloy na ipagpapatuloy ng ahensya ang kanilang operasyon upang sugpuin ang ganitong uri ng iligal na aktibidad.

















