Patuloy na iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kaso ng pagkamatay ng isang 10-anyos na batang lalaki mula sa Tondo, Maynila matapos sumailalim sa isang circumcision procedure sa isang klinika sa Pasay City.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, kasalukuyan nilang pinag-aaralan ang resulta ng isinagawang autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng bata. Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung mayroong naging kapabayaan, at kung sino ang dapat managot sa insidente.
Dagdag pa ni Santiago, agad na maglalabas ng subpoena ang NBI laban sa mga itinuturong suspek sa oras na matapos ang pagsusuri sa autopsy report.
Batay sa paunang impormasyon, isinagawa ang operasyon sa Clarin’s Lying-In and Medical Clinic sa Barangay 146, Pasay City. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, tinurukan umano ng 20cc na anesthesia ang bata bago ang operasyon.
Matapos ang pagtuturok, nakaranas umano ang bata ng serye ng seizure at hirap sa paghinga. Agad siyang dinala sa Tondo Medical Center ngunit idineklara itong dead on arrival.
Dahil sa insidente, dumulog sa tanggapan ng NBI sa Pasay ang mga magulang ng biktima upang humingi ng tulong at agarang imbestigasyon sa nangyari.