Mariing kinundena ng United Architects of the Philippines ang negatibong paggamit ng mga salitang “Architect” o “Arkitekto” bilang paghahalimbawa sa mga nasasangkot sa kurapsyon o kamalian sa bansa.
Sa inilabas na official statement ng UAP na pirmado ng National President ng samahan na si Architect Jonathan Manalad, ang mga arkitekto ay mga lisensyadong propesyonal na dedicado sa pagbuo ng ligtas, maayos at sustenableng komunidad at hindi dapat ginagamit bilang paghahalimbawa sa kamalian ng iilan.
Dagdag pa sa naging pahayag, mahalaga aniya ang bawat binibitiwang salita kung kaya’t hinihingi nito na irespeto at igalang ang dignidad ng propesyon ng arkitektura.
Ang United Architects of the Philippines ay isang organisasyon ng mga lisensyadong Arkitekto na may libo-libong miyembro at mga chapters sa buong bansa.

















