Nagpaliwanag ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) hinggil sa nakatakdang 11 oras na pagkawala ng kuryente bukas, Setyembre 28, Linggo, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.

Sa panayam ng Star FM Cotabato kay Engr. Bernadette Buac, Government Relations and Regional Affairs Lead Specialist ng NGCP, ipinaliwanag nitong magkakaroon ng power shutdown sa linya ng Sultan Kudarat–Saudi Ampatuan. Maaapektuhan nito ang buong sakop ng Cotabato Light sa Cotabato City at Sultan Kudarat, gayundin ang Maguindanao Electric Cooperative na nagsusuplay ng kuryente sa Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur.

Ayon kay Engr. Buac, ang nasabing power interruption ay bunsod ng pagpapalit ng mga lumang istruktura sa bahagi ng Sitio Sinaing at sa Capitol area sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Dagdag pa niya, may inihandang contingency plans ang NGCP sakaling maapektuhan ng masamang panahon ang aktibidad. Kabilang dito ang posibilidad ng rescheduling ng mga gawain. Nakikipag-ugnayan din aniya ang NGCP sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng pagkukumpuni.

Ipinaliwanag din ni Engr. Buac na kinakailangang isailalim sa repair ang mga pasilidad dahil sa pagiging dilapidated o sira-sira ng mga ito. Sakaling matapos nang mas maaga ang aktibidad, maaari ring maibalik nang mas mabilis ang kuryente sa mga apektadong lugar.

Bagama’t transmission provider lamang ang NGCP, sinabi nitong nag-abiso na sila sa mga power distributors upang matukoy ang mga pasilidad na kailangang bigyan ng prayoridad sa panahon ng brownout, gaya ng mga ospital at iba pang kritikal na establisyemento.

Binigyang-diin din ni Engr. Buac na sa oras na mapalitan ng bakal na poste ang mga kahoy na poste, mas malilimitahan na ang insidente ng pagkawala ng kuryente dahil mas matibay at mas maaasahan ang mga ito.

Sa huli, humingi ng paumanhin ang NGCP sa abalang dulot ng nasabing power interruption at tiniyak na hindi sila magpapatumpik-tumpik sa agarang pagbabalik ng suplay ng kuryente. (insert vc ni engr.)