Magsisimula nang mas mahigpit na ipatupad ng lokal na pamahalaan ang No Smoking at No Vaping Policy sa lahat ng pampublikong lugar sa lungsod, alinsunod sa City Ordinance No. 4581 s.2018 o Smoke-Free Environment Ordinance of Cotabato City.

Bilang bahagi ng kampanya, nagsimula nang magpaskil ng mga paalala at babala ang Office on Health Services sa mga tindahan at iba pang pampublikong lugar.

Kabilang dito ang opisyal na anunsyo mula kay Mayor Bruce “BM” Matabalao, na may nakasaad na: “STRICTLY NO SMOKING | NO VAPING – City Ordinance No. 4581 s.2018 – Smoke-Free Environment Ordinance of Cotabato City – Maximum Penalty: ₱5,000.00.”

Nakasaad din sa poster ang paalala mula sa isang Hadith: “Allah’s Messenger (PBUH) said: ‘Every intoxicants is forbidden’ (Sahih Muslim, Vol. 3, Hadith 4962).”

Babala ng pamahalaan, ang sinumang mahuhuling lalabag ay maaaring pagmultahin ng hanggang ₱5,000. Paalala rin na hindi lamang ang mismong naninigarilyo ang nalalagay sa panganib, kundi pati na rin ang mga taong nalalanghap ang usok nito o secondhand smoke.

Layunin ng ordinansa na mapanatili ang malinis na hangin at ligtas na kapaligiran para sa lahat ng Cotabateño. Panawagan ng City Government: “Sama-sama nating gawing malinis ang hangin at kapaligiran ng ating lungsod para sa mas malusog na komunidad.”