Iginiit ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi na wala sa plano ng Iran na makipagnegosasyon sa Estados Unidos at nananatili silang nakatuon sa kanilang paglaban, kasunod ng pahayag ng White House na may isinasagawang dayalogo.
Ayon kay Araghchi, walang formal na negosasyon ang naganap, taliwas sa mga pahayag ni US President Donald Trump. Aniya, ang sinasabing usapan ay maituturing lamang na indikasyon ng pagkilala sa kanilang panig, ngunit hindi opisyal na negosasyon.
Noong Miyerkules, nagbabala ang White House na posibleng magsagawa ng mas matinding aksyon laban sa Iran kung hindi makikipagnegosasyon para sa isang kasunduan ukol sa kapayapaan. Sinabi naman ni US Press Secretary Karoline Leavitt na patuloy ang pag-uusap at may positibong progreso umano.
Ayon sa ilang opisyal ng Pakistan, naiparating sa Tehran ang 15-point proposal ng Amerika para wakasan ang labanan na nagsimula noong Pebrero 28, kasunod ng mga atakeng isinagawa ng US-Israeli forces sa Iran at kumalat sa rehiyon. Bagamat kinilala ni Leavitt na may katotohanan sa ilang bahagi ng ulat, iginiit ni Araghchi na ang mga pahayag ay ipinasa lamang sa pamamagitan ng mga kaalyadong bansa at indibidwal, at hindi nila ito itinuturing na negosasyon.
Dagdag pa ni Araghchi, bagamat maaaring makakuha ang Iran ng seguridad mula sa UN Security Council, mas pinipili ng Tehran na lumikha ng sariling garantiya sa pamamagitan ng kanilang estratehiya sa pakikidigma.

















