Isinulong ni Senador Robinhood Padilla ang Senate Bill No. 1300 o tinatawag na “Anti-Pabebe Act of 2025.” Layunin ng panukala na isama sa basic education curriculum mula Kindergarten hanggang Grade 12 ang practical life skills, values formation, at environmental awareness upang masigurong handa ang mga kabataan sa hamon ng makabagong panahon.
Paliwanag ng chief of staff ni Padilla na si Atty. Rudolf Jurado, ang salitang “pabebe” ay tumutukoy sa ugali ng sobrang pagpapanggap o pagiging labis na maarte sa pananalita at kilos—isang impluwensiyang madalas nakikita ng kabataan sa internet.
Binanggit ni Padilla na maraming kabataan ngayon ang kulang sa life skills—mga kasanayang tumutulong sa kanila na makayanan ang pang-araw-araw na hamon, lalo na’t nagbabago ang kultura at pamumuhay ng lipunan.
Sa ilalim ng panukala, isasama sa kurikulum ang mga teoretikal at praktikal na gawain tulad ng pag-gardening, composting, pananahi, pagluluto, pagba-budget, at mga community-based environmental projects. Layunin nito na mapaunlad ang psychosocial competence o kakayahang mapanatili ang mental well-being at responsableng pakikisalamuha sa iba.
Saklaw ng panukalang batas ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na nagbibigay ng early childhood at basic education programs.