Inaprubahan ng Committee on Amendments, Revision, and Codification of Laws ng Bangsamoro Parliament nitong Lunes, Enero 19, ang panukalang alisin ang opsyong “none of the above” o NOTA sa mga balota para sa kauna-unahang halalang parlamentaryo sa rehiyon.
Layunin ng BTA Bill No. 396 na gawing mas simple ang proseso ng pagboto at maiwasan ang kalituhan ng mga botante, ayon sa mga mambabatas. Ang pag-apruba ay kasunod ng serye ng mga konsultasyon at roundtable discussion kasama ang iba’t ibang sektor at stakeholder.
Sa ilalim ng panukalang inaprubahan ng komite, inaatasan ang Commission on Elections sa pamamagitan ng Bangsamoro Electoral Office na baguhin ang opisyal na mga balota at tuluyang alisin ang NOTA option. Sa bagong disenyo ng balota, tanging mga pangalan ng kandidato at mga partidong politikal na may kani-kanilang opisyal na logo ang ilalagay.
Gayunman, dadaan pa rin ang panukala sa plenary debates kapag naipasa na ng komite ang pormal na ulat nito sa buong Bangsamoro Parliament.
Kasabay nito, sinimulan na rin ng komite ang pagtalakay sa BTA Bill No. 419 na naglalayong amyendahan ang Bangsamoro Electoral Code. Kabilang sa mga mungkahing pagbabago ang pagbaba ng minimum na miyembro ng regional political parties mula 10,000 pababa sa 5,000, pagpapanatili ng hindi bababa sa 20 porsiyentong representasyon ng kababaihan sa party nominees, at paggamit ng 2 porsiyentong vote threshold para sa paglalaan ng party seats.
Isinusulong din ng panukala ang pagsabay ng unang parliamentary elections sa halalan para sa sectoral representatives, maliban sa mga non-Moro Indigenous Peoples, ulama, at mga tradisyunal na lider.

















