Matagumpay na isinagawa ng Office of Civil Defense – Bangsamoro Autonomous Region (OCD-BAR), sa pangunguna ni Regional Director Joel Q. Mamon, ang 2025 Regional Rescuelympics bilang bahagi ng National Disaster Resilience Month (NDRM). Ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng 6th Division Training School (6DTS) sa ilalim ng pamumuno ni Col. Roberto A. Breboneria at ginanap sa Barangay Semba, Maguindanao del Norte.

Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni RD Mamon ang kahalagahan ng naturang aktibidad bilang isang plataporma para sa pagpapatibay ng kahandaan at dedikasyon ng mga emergency responders. Ayon sa kanya, ang pambansang katatagan ay bunga ng masinsinang pagsasanay, pagkakaisa, at maagang paghahanda.

Inilahad ni Maj. Saturnino Mar Biem F. Perez, Operations Officer ng 6DTS, ang mga layunin at saklaw ng bawat simulation exercise na isinagawa ng mga kalahok. Kabilang sa mga lumahok sa kompetisyon ay ang Coast Guard District – BARMM, Bureau of Fire Protection – BARMM, PNP Police Regional Office – BAR, at ang 549th Engineer Battalion. Ang mga koponan ay sumailalim sa limang simulation exercises na tumutok sa water search and rescue, basic life support, high angle rescue, obstacle course, at fire suppression. Ang bawat aktibidad ay isinagawa sa ilalim ng timed conditions at sinuri gamit ang performance-based evaluation.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan ng Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at Cotabato City bilang mga tagamasid. Nagbigay sila ng suporta at mungkahi kung paano maaring maipaloob ang mga natutunan sa mga lokal na disaster response protocol.

Pinangunahan ng OCD-BAR ang dokumentasyon, pagsusuri, at pagtatala ng mga datos ng performance ng bawat grupo para magamit sa post-activity assessment at sa pagpaplano ng mga susunod na hakbang.

Sa closing program, ipinaabot ni Col. Rommel S. Valencia ang mensahe ni Major General Donald M. Gumiran ng 6th Infantry “Kampilan” Division. Ayon sa mensahe, ang ganitong mga aktibidad ay hindi lamang nagpapalakas ng kakayahan ng bawat ahensiya kundi nagpapatatag din ng pagtutulungan at tiwala sa isa’t isa.

Sa ginanap na awarding ceremony, itinanghal bilang kampyon ang Coast Guard District – BARMM. Nakuha ng Bureau of Fire Protection – BARMM ang unang puwesto bilang first runner-up, habang pumangalawa naman ang 549th Engineer Battalion. Nakamit ng PNP Police Regional Office – BAR ang third runner-up.

Layunin ng OCD Regional Rescuelympics na paigtingin ang kahandaan ng mga unipormadong hanay sa pagtugon sa sakuna sa pamamagitan ng mga simulation drill at teknikal na pagsasanay. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng adbokasiyang itaguyod ang inter-agency collaboration, alinsunod sa tema ng NDRM 2025 na “Kumikilos para sa Kahandaan, Kaligtasan, at Katatagan.”