Patuloy ang koordinasyon ng Office of Civil Defense – BARMM (OCD BAR), sa pamumuno ni Dir. Joel Q. Mamon, kasama ang Tactical Operations Group 12 (TOG 12) at Division Public Affairs Office ng 6th Infantry Division (6ID), upang matugunan ang matinding pagbaha sa rehiyon dulot ng Inter-Tropical Convergence Zone.
Kasama rin sa operasyon ang MDRRMO ng Datu Abdullah Sangki at Talayan sa Maguindanao del Sur — ilan sa mga pinakamalalang naapektuhan. Isinagawa ang ikalawang aerial assessment upang makakuha ng updated na impormasyon sa lawak ng pinsala, sa pangunguna nina Col. Caezar Pascua ng TOG 12 at Head Pilot Maj. Gino Glen D. Solano.
Ayon sa OCD BAR, 14 na munisipalidad at 140 barangay ang apektado ng baha. Sa Datu Abdullah Sangki, 4,129 bahay at 20,645 katao ang naapektuhan, habang sa Talayan ay 3,748 bahay at 18,740 katao. Walang naitalang nasirang bahay, ngunit 1,552 ektarya ng pananim ang napinsala sa Datu Abdullah Sangki, na kasalukuyang bine-validate.
Sa aerial survey, napuna ang unti-unting paghupa ng baha sa ilang lugar, habang ang iba ay nananatiling lubog. Patuloy ang monitoring ng OCD BAR at koordinasyon sa mga MDRRMO para sa mabilis na paghahatid ng tulong.
Tiniyak ng OCD BAR ang kanilang patuloy na suporta at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang epektibong disaster response sa mga apektadong komunidad sa BARMM.