‎Tiniyak ng Office of the Chief Minister na magiging credible, mapayapa, transparent at may integridad ang nalalapit na parliamentary elections sa Bangsamoro.

‎Ayon kay Acting Senior Minister Abdullah “Dong” Cusain, nakapaghanda na ang pamahalaan kahit sa regular schedule pa lamang ng halalan at patuloy itong pinagtitibay sa pakikipag-ugnayan sa COMELEC regional office.

‎Sinabi ni Cusain na may partikular ding papel ang Office of the Senior Minister sa pagpili ng sectoral representatives sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor at COMELEC.

‎Inaasahan naman ng opisyal na magkakaroon ng malinaw na guidelines at roadmap sa oras na mapirmahan ang batas para sa BARMM elections.

‎Iginiit ni Cusain na layunin ng Bangsamoro Government na matiyak ang isang mapayapa, maayos at kapani-paniwalang parliamentary elections.

‎Binigyang-diin din nito ang mahalagang papel ng PNP at Armed Forces of the Philippines na dine-deputize ng COMELEC bilang frontliners sa seguridad ng halalan.

‎Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na wala umanong nakikitang malaking banta ang Philippine Army na maaaring makaapekto sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon.