Dumating noong Biyernes, Disyembre 12 sa Awang Airport ang labi ni Geralin Wacan, isang Overseas Bangsamoro Worker (OBW), matapos siyang pumanaw sa Kuwait noong Nobyembre 23 dahil sa cardiac arrest.
Pinangunahan ni Director Annuarudin Tayuan ng Ministry of Labor and Employment-Overseas Workers Welfare Bureau (MOLE-OWWB) ang turn-over ng labi sa pamilya ni Wacan at nagpaabot ng pakikiramay. Agad na dinala ang labi sa kanilang tahanan sa Barangay Kudarangan, Nabalawag Municipality, Special Geographic Area (SGA), at sinamahan ng MOLE ang pamilya sa seremonya ng libing alinsunod sa Islamic customs at tradisyon.
Ayon sa pamilya, ipinakita ng employer ni Wacan ang kabutihang-loob sa kanya, kabilang ang alok na samahan siya sa isang umrah o boluntaryong paglalakbay sa Mecca, Saudi Arabia, bago siya biglaang tinamaan ng cardiac arrest at ilang komplikasyon.
Nagpaabot ang pamilya, kabilang ang asawa ni Wacan na si Heron Panegas, ng pasasalamat sa mabilis at maayos na proseso ng repatriation, partikular sa koordinasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at MOLE sa pangunguna ni Minister Muslimin “Bapa Mus” Sema. Ayon sa kanila, ang pakikipagtulungan ng employer ay nakatulong sa kanilang magkaroon ng closure sa panahong ito ng kalungkutan.
Batay sa umiiral na regulasyon, may karapatan ang pamilya sa ilang benepisyo at programa mula sa nabanggit na mga ahensya, sa kundisyon na susundin ang mga kinakailangang requirements.
Ayon sa mga awtoridad, ang kaso ni Wacan ay nagpatibay sa tungkulin ng mga institusyon na tiyaking napapanatili ang dignidad at kapakanan ng mga OBW, maging sa oras ng kamatayan.

















