Magkakasabay na nagpatupad ng taas-presyo ang ilang kumpanya ng langis sa kanilang mga produktong petrolyo ngayong araw.

Nitong alas-6:00 ng umaga, ini-anunsyo ang dagdag na P1.20 kada litro ng gasolina, samantalang ang diesel at kerosene ay tumaas ng P0.60 kada litro.

Ayon sa Department of Energy (DOE), bahagi ng dahilan ng pagtaas ay ang umiiral na geopolitical tension sa pagitan ng US at Iran, pati na rin ang potensyal na banta sa suplay sa Strait of Hormuz.

Nangangamba ang mga motorista na posibleng magpatuloy ang pagsipa ng presyo ng petrolyo, na maaaring magdulot ng mas malaking gastos sa kanilang pang-araw-araw na pamasahe at transportasyon.

Dahil dito, nananawagan ang ilang grupo sa pamahalaan na maibalik ang buffer fund para sa mga inaangkat na langis upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo.