Nagpahayag si Presidential Peace Adviser Carlito G. Galvez, Jr. ang taos-pusong pasasalamat sa Senado ng Pilipinas, sa pamumuno ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, sa kanilang pag-apruba sa panukalang batas na nag-reset sa kauna-unahang regular na Bangsamoro Parliamentary Elections sa BARMM sa Setyembre 2026.
Kinikilala rin ni Sec. Galvez ang mahalagang papel ni Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri, pangunahing may akda ng panukala, sa pagtitiyak na ang transition sa rehiyon ay mananatiling nasa tamang direksyon. Ayon sa kanya, ang liderato ni Zubiri ay patunay ng kanilang pangako sa maayos at matatag na kapayapaan sa BARMM.
Binigyang-diin ng OPAPRU na ang pag-reset ng halalan ay isang strategic move upang masiguro na ang proseso ay inklusibo, naaayon sa batas, at handa para sa makasaysayang halalan sa rehiyon. Bahagi ito ng pangako sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na mabigyan ang mga mamamayan ng BARMM ng pagkakataon na pumili ng kanilang sariling pamunuan sa isang mapayapa, maayos, at kapani-paniwala na halalan.
Ayon kay Sec. Galvez, layunin ng reset na mabigyan ng sapat na panahon ang paghahanda ng voter registration at iba pang mahahalagang hakbang upang walang Bangsamoro ang maiwan sa proseso. Ang halalan ay mahalaga sa legitimacy at pangmatagalang katatagan ng pamahalaang BARMM, at hakbang ito patungo sa katuparan ng aspirasyon ng mga mamamayan sa rehiyon na magkaroon ng sariling kinabukasan.
Sa pagtatapos, iginiit ni Sec. Galvez na patuloy ang Bangsamoro Government sa kanilang landas ng kapayapaan, kasama ang pakikiisa ng lahat upang mapagtibay ang pundasyon ng pangmatagalang katahimikan sa Mindanao.

















