Patay ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Cotabato 2nd Engineering Office matapos pagbabarilin habang nasa loob ng sasakyan sa Kidapawan City.
Kinilala ang biktima na si Engr. Mohammad Jalalodin Mandangan, o mas kilala sa tawag na Engr. Janno, 37 taong gulang, na nagsisilbing Quality Assurance Section Chief ng kanilang tanggapan.
Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng Barangay Lanao sakay ng isang pick-up kasama ang dalawa pang kasamahan, pabalik mula sa isang aktibidad sa Sambayang. Ngunit pagsapit sa tapat ng isang hotel, bigla na lamang silang pinaputukan ng isang hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng TMX na motorsiklo na walang plaka.
Ayon sa mga nakasaksi, umalingawngaw ang pitong putok ng baril. Sa gitna ng pag-atake, agad tumalon palabas ang isa sa mga pasahero sa likuran at nakatakas mula sa insidente.
Samantala, kapwa tinamaan ng bala sina Engr. Janno at isa pang kasamahan, dahilan para mawalan ng kontrol ang sasakyan at bumangga ito sa isang poste ng kuryente.
Dahil sa lakas ng salpukan, naputol ang poste at nagdulot ito ng sunud-sunod na pagkawala ng kuryente sa ilang bahagi ng lungsod.
Nasira rin ang bahagi ng water line na nadaanan ng sasakyan. Matagal ring naipit sa loob ng sasakyan si Engr. Janno bago ito tuluyang mailabas ng mga rumespondeng awtoridad.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Kidapawan City Police upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa krimen.