Mariing kinondena ng Office of the Special Assistant to the President o OSAP ang brutal na pagpaslang sa lider ng Teduray na si Ramon Lupos mula sa bayan ng Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Special Assistant to the President Antonio Ernesto “Anton” Lagdameo Jr., ang karumal-dumal na krimeng ito ay isang malaking insulto sa kapayapaan, katarungan, at karapatan ng mga katutubong pamayanan sa Mindanao.
Sa inilabas na pahayag ng OSAP, ipinaabot ni Lagdameo ang pakikiisa ng Palasyo sa pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa mariing pagkondena sa krimen at sa panawagang mabilis at walang-tigil na hustisya para kay Lupos at sa kaniyang pamilya.
Giit ni Lagdameo, si Ginoong Lupos ay isa sa iilang natitirang lider ng mga non-Moro Indigenous Peoples sa lugar, at ang kaniyang pagpaslang ay tahasang pagsira sa hangaring kapayapaan at katarungan na itinataguyod ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang administrasyon.
Dagdag pa ni Lagdameo, ang administrasyon ni Marcos ay nakatuon sa pagtataguyod ng kapayapaan at karapatang pantao ng bawat Pilipino, at wala raw puwang ang karahasan sa isang demokratiko at inklusibong lipunan.
Kasabay nito, nagpahayag din ng buong suporta ang OSAP sa BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua at sa mga kasapi ng Bangsamoro Transition Authority, sa kanilang panawagang magsagawa ng malalim, mabilis, at patas na imbestigasyon upang agad na mapanagot ang mga salarin.
Tiniyak din ni Lagdameo na mananatiling katuwang ng OSAP ang mga marhinalisado at katutubong grupo, upang marinig ang kanilang tinig at mapangalagaan ang kanilang karapatan sa lupang ninuno.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa insidente ng pamamaslang. Si Ramon Lupos ay kilalang tagapagsulong ng kapayapaan, pagkakaisa, at pangangalaga sa kulturang Teduray sa Maguindanao del Sur.
At ayon pa sa Palasyo, hindi hadlang ang malagim na pangyayaring ito sa pagpapatuloy ng gobyerno sa hangaring makamit ang tunay, inklusibo, at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Home Special Feature OSAP, kinondena ang pagpaslang sa Teduray leader na si Ramon Lupos; hustisya,...