‎Nakikiisa sa pagdadalamhati ang Office of the Special Assistant to the President (OSAP) sa mga pamilya ng mga nasawi sa paglubog ng passenger-cargo vessel na M/V Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Basilan noong madaling-araw ng Enero 26, 2026.

‎Ayon kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo, ipinaabot niya ang taos-pusong pakikiramay at mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na personal umanong nakikiramay at nagpapahayag ng malasakit sa mga biktima at kanilang mga naulilang pamilya.

‎Sinabi ni Lagdameo na inatasan na ng Pangulo ang lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan upang tiyakin ang agarang tulong at kinakailangang suporta para sa mga nakaligtas at sa mga pamilyang naapektuhan ng trahedya.

‎Idinagdag ng OSAP na nakikiisa sila hindi lamang sa mga pamilya ng mga biktima kundi maging sa mga apektadong komunidad at sa buong sambayanan sa pagluluksa sa isa sa mga pinakamalubhang trahedyang pandagat sa bansa sa mga nagdaang taon.

‎Ang M/V Trisha Kerstin 3 ay bumiyahe mula Zamboanga City patungong Jolo, Sulu nang lumubog ito, dahilan upang mahulog sa dagat ang daan-daang pasahero.

‎Mula noon ay nagsagawa ng malawakang search, rescue, at retrieval operations ang pamahalaan sa pangunguna ng Philippine Coast Guard, katuwang ang Armed Forces of the Philippines, mga lokal na pamahalaan, at volunteer groups. Batay sa pinakahuling datos, tinatayang 40 bangkay na ang na-rekober habang mahigit 100 pasahero ang nailigtas.

‎Sa isang pahayag, muling tiniyak ni Lagdameo ang pakikiisa ng pamahalaan sa mga nagdadalamhating pamilya at ang kahandaang magbigay ng tulong sa gitna ng matinding pagsubok.

‎Nagpasalamat din siya sa mga first responder at volunteer na patuloy na nagsasakripisyo sa kabila ng mapanganib na kondisyon ng dagat.

‎Kasabay ng relief efforts, binigyang-diin ni Lagdameo ang pangangailangan ng pananagutan, at iginiit na dapat magkaroon ng mabilis, masinsin, walang kinikilingan, at transparent na imbestigasyon sa insidente.

‎Aniya, mahalagang matukoy ang mga detalye hinggil sa seaworthiness ng barko, kapasidad ng mga pasahero, lagay ng panahon, at pagsunod sa mga maritime regulation bago ang biyahe.

‎Nanawagan din ang OSAP sa mga kaukulang ahensya na repasuhin at patibayin ang mga umiiral na maritime safety protocols, upang matiyak na ang trahedya ay magsisilbing aral tungo sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran at mas ligtas na paglalayag ng mga pasahero sa hinaharap.