Nilinaw ng Office for Settler Communities (OSC) sa ilalim ng Office of the Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na wala itong kinalaman sa kumakalat na survey kaugnay sa Cotabato City mayoralty at vice mayoralty elections na isinagawa umano ng grupong United Advocates for Settler Communities (1ASC).

Sa isang public statement na inilabas ngayong Mayo 1, 2025, binigyang-diin ng OSC na wala itong partisipasyon, kaalaman, o anumang ugnayan sa survey at sa grupong 1ASC.

Ayon sa OSC, bilang isang institusyong naitatag sa bisa ng Bangsamoro Autonomy Act No. 13, nakatuon ito sa pagtataguyod ng kapakanan at karapatan ng mga settler communities sa rehiyon. Dagdag pa ng ahensya, ito ay nananatiling neutral, non-partisan, at tapat sa paglilingkod sa lahat ng sektor ng lipunan nang may integridad at katarungan.

Nilinaw rin sa pahayag na maging ang kinatawan ng settler communities sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ay walang alam o kinalaman sa naturang survey.

Layunin ng pahayag na bigyang-linaw ang publiko at ipakita ang patuloy na pagsusumikap ng OSC para sa pagkakaisa, paggalang, at pagtutulungan ng iba’t ibang komunidad sa Bangsamoro.