Dismayado ang Bangsamoro Transition Authority Parliament sa naging resulta ng isinagawang budget hearings matapos matukoy ang napakaraming isyu ng kakulangan at umano’y mga kwestiyonableng paggastos sa Ministry on Basic, Higher and Technical Education o MBHTE-BARMM.
Ito ay kasunod ng pag-uulat ng Committee on Finance, Budget, and Management ng BTA Parliament sa kinahinatnan ng mga pagdinig sa panukalang pondo ng mga ahensya at ministeryo sa rehiyon, na nakapaloob sa BTA Committee Report Number 195.
Inilahad ni CBFM Chairman Atty. Kitem Kadatuan Jr., ang isyung natuklasan sa pagbusisi sa panukalang badyet ng MBHTE at iba pang ahensya ng pamahalaan ng BARMM, kabilang na ang mabagal na paggamit sa pera ng ministeryo at mababang performance na nagreresulta sa mababang kalidad ng edukasyon ng mga bata.
Natuklasan din ang mga kulang at substandard na libro at kwestyonableng pagbili ng mga armchair na nagkakahalaga umano ng P5,049 bawat isa, presyong labis umanong mataas kumpara sa ibang rehiyon.
Kabilang din sa isiniwalat ni MP Engr. Baintan Ampatuan, CFBM Subcommittee D Chair, ay ang natuklasang hiwalay na bank account ng ministeryo na may pondong nagkakahalaga ng 5 bilyon na hindi umano gumagalaw nang ilang taon na.
Napuna rin ng komite ang alokasyon na P2.8 milyon ng MBHTE para sa development programs ng Indigenous Peoples communities, sa kabila ng mataas na pangangailangan sa mga imprastruktura at programa sa mga komunidad ng IP. Bagay na nakakabahala kung susumahin ang kabuuang panukalang pondo ng ahensya na tinatayang nasa P32 bilyon.
Bukod dito, tinukoy rin sa ulat ang mga hindi pa natutupad na obligasyon, mga bakanteng posisyon, at iba pang suliraning administratibo sa loob ng ahensya. Hiling ng Parliament na bigyan ng malawak na pansin ang edukasyon ng rehiyon para sa kinabukasan ng mga kabataan.
Bago pa man ilahad sa plenaryo ang ulat ng komite, nauna ng naglabas ang 2nd Congressional Committee on Education (EDCOM2) ng kanilang ulat patungkol sa kalagayan ng edukasyon sa BARMM. Ito rin umano ang naging basehan ng komite sa masusing pagkilatis sa paggamit ng pondo ng ministeryo.

















