Aabot sa humigit-kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.36M ang nasabat ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng Regional Drug Enforcement Unit ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR).
Ang operasyon ay isinagawa nitong umaga ng Huwebes Santo sa kahabaan ng national highway sa Barangay Pigkalagan, bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Sa naturang operasyon, isang suspek ang naaresto at nakilalang si alyas “Abdullah”, habang ang itinuturing na pangunahing target na kinilalang si alyas “Mike” ay agad na tumakas sa lugar at kasalukuyang pinaghahanap pa ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat ng pulisya, matagumpay na naisakatuparan ang transaksyon ng poseur buyer bago nagkaroon ng tensyon at tumakas ang isa sa mga suspek.
Ang nakumpiskang iligal na droga ay dinala na sa crime laboratory para sa masusing pagsusuri, habang ang naarestong suspek ay nahaharap na ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman ang imbestigasyon at pagtugis ng mga otoridad sa nakatakas na suspek upang masugpo ang posibleng mas malawak na operasyon ng iligal na droga sa rehiyon.