Nakatanggap ang pamahalaang lungsod ng abiso mula sa Department of Budget and Management (DBM) na nabawasan ng P1.58 bilyon ang National Tax Allocation (NTA) ng Cotabato City para sa taong 2026.

Ayon kay Mayor Bruce “BM” Matabalao, inaasahan muna ang pagtaas ng NTA mula P1.8 bilyon patungong humigit-kumulang P3.4 bilyon, ngunit bago pa matanggap ang opisyal na memorandum, nakumpleto na ang city budget process at naisumite ang executive budget noong Oktubre 1, 2025, na hindi isinama ang inaasahang dagdag na pondo.

Nilinaw ng city government na hindi agad tatanggalin ang mga contractual employees, ngunit pinayuhan ang lahat na maging handa sakaling walang adjustment sa NTA sa hinaharap.

Tiniyak ng alkalde na mananatili sa development pipeline ng lungsod ang mga pangunahing proyekto, kabilang ang pagtatayo ng dalawang tulay sa Bonsain at Poblacion 2 patungong Sultan Mastura, pagsasaayos ng sirang Diversion Road, pagpapalawak ng Cotabato City People’s Palace, at improvement ng Cotabato City Gymnasium. Bagaman maaaring magkaroon ng delay sa implementasyon, nananatili ang commitment ng lungsod sa pagpapatuloy ng mga ito.

Ang pagbabawas sa NTA ay nagdudulot ng hamon sa fiscal planning ng lungsod, partikular sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastruktura at serbisyong publiko. Ayon kay Mayor Matabalao, patuloy ang administrasyon sa paghahanap ng paraan upang maisakatuparan ang mga ipinangakong proyekto noong kampanya at sa kanyang pag-upo noong 2025, para sa kapakinabangan ng mga residente ng Cotabato City.