Nag-alok ng ₱100,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Calatagan, Batangas para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon laban sa mga pumatay sa tatlong goat dealers mula Batangas.

Ang tatlo—sina John Luis Olarte, Gerry Olarte, at Ronald Alumno—ay natagpuang patay noong Biyernes, Mayo 31, sa isang taniman ng goma sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.

Naiulat silang nawawala noong Mayo 11 matapos bumiyahe papuntang Mindanao.

Ayon sa pulisya, niluwas na noong Hunyo 2 ang kanilang mga labi pabalik ng Batangas sakay ng C-130 mula Awang Airport, at sinalubong ng mga kaanak sa Villamor Airbase.

Nanawagan ang LGU Calatagan sa publiko na tumulong para agad mahuli ang mga salarin.