Nasamsam ng mga pulis ang abot sa P13.6 milyon na halaga ng shabu sa isang lalaking dealer sa Barangay Gusa sa lungsod na ito.

Ayon sa ulat, bandang madaling araw ng Sabado, December 13, nalambat ang suspek sa isang entrapment operation na isinagawa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cagayan de Oro City Police Office, katuwang ang iba pang yunit ng Police Regional Office 10 (PRO-10). Pinamunuan ni Major Aldren Estrada Baculio ang operasyon.

Nakumpiska sa suspect ang dalawang kilong shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P13.6 milyon, matapos itong mabiktima ng buy-bust operation sa Purok 4, Barangay Gusa.

Ayon sa mga opisyal ng PRO-10 at mga miyembro ng Cagayan de Oro City Peace and Order Council, nakatulong sa operasyon ang mga barangay officials at mga impormante na nagbigay ng impormasyon tungkol sa malakihang bentahan ng droga sa lungsod.

Sa kasalukuyan, nahaharap ang suspek sa kaso ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165) at nakapiit na sa isang police detention facility habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.