Nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng PDEA BARMM at PNP ang tinatayang aabot sa Php 136,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang anti-drug operation sa Purok Waling-Waling, Mother Barangay Bagua, Cotabato City noong Marso 24, 2026.

Pinangunahan ang buy-bust operation ng PDEA BARMM Regional Special Enforcement Team (RSET) sa koordinasyon ng Police Station 4 – Cotabato City Police Office, City Mobile Force Company, at PNP Maritime Group.

Gayunman, nakatakas ang target na suspek na kilala sa alyas na “Thats,” 38-anyos at dating plea bargainer, matapos umanong makatunog sa presensya ng mga operatiba.

Narekober sa lugar ang sampung heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 20 gramo at tinatayang halaga na Php 136,000, kasama ang isang Android cellphone, buy-bust money, at iba pang drug paraphernalia.

Batay sa rekord, dati nang naaresto ang suspek sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at nakinabang sa plea bargaining agreement noong 2023.

Patuloy ang follow-up operations ng mga awtoridad upang matunton at maaresto ang suspek, habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa paglabag sa Republic Act No. 9165.