Nasabat ng mga tauhan ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station (DAM MPS) ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱173,400 sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Adaon, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur dakong alas-7:47 ng gabi nitong Hulyo 24, 2025.
Batay sa ulat mula sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office, isang kulay-abong Suzuki S-Presso ang pinahinto sa checkpoint bilang bahagi ng rutinang inspeksyon. Napansin ng mga pulis ang kahina-hinalang kilos ng mga sakay ng sasakyan na kalauna’y nakilalang sina “Jay Ariel,” 30 taong gulang, at “Jaypoy,” 39 taong gulang, kapwa lalaki. Hindi umano nakipagtulungan ang dalawa sa verification process, kaya’t agad silang isinailalim sa masusing inspeksyon.
Sa isinagawang pagsisiyasat, natuklasang may dala ang mga suspek ng hinihinalang shabu na nakita rin sa loob ng sasakyan. Dahil dito, agad silang inaresto ng mga awtoridad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng DAM MPS ang mga nadakip na suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya. Nakatakda silang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), ang mabilis na aksyon at dedikasyon ng mga pulis sa lalawigan sa matagumpay na pagpapatupad ng anti-criminality checkpoint. Kasabay nito, muling iginiit ni PBGEN De Guzman sa lahat ng tauhan ng PRO BAR ang kahalagahan ng pagsunod sa tamang proseso, pagtiyak sa kaligtasan ng lahat, at pagrespeto sa karapatang pantao sa bawat operasyon.