Mahigit 21,000 tanim ng high-grade marijuana ang winasak ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad sa isinagawang Law Enforcement Support Operation (LESO) noong Pebrero 12, 2026, sa Barangay Masjid Punjungan at Barangay Pitogo, Sulu.

Pinangunahan ang operasyon ng 1102nd Infantry “Ganarul” Brigade ng 11th Infantry “Alakdan” Division, katuwang ang PDEA Sulu, AFP, PNP, at iba pang law enforcement units.

Natuklasan at binunot ang tinatayang 21,200 ganap nang tumubong marijuana plants, bukod pa sa tatlong sako ng pinatuyong dahon nito. Ayon sa awtoridad, tinatayang umaabot sa P18,232,000 ang standard drug price at street value ng mga nasamsam na halaman.

Ipinapakita ng lawak, kalidad, at maturity ng mga tanim na marijuana na isa itong organisado at matagal nang operasyon sa isang liblib at mahirap marating na lugar.

Bagama’t nakatakas ang suspek na kilala sa alyas na “Mods” at ang kanyang mga kasamahan, nakarekober ang mga awtoridad ng anim na high-powered firearms, kabilang ang apat na M16 rifles, isang M14 rifle, at isang M1 Garand rifle, kasama ang mga magasin at bala.

Ayon sa Joint Task Force Orion at 11th Infantry Division, ang operasyon ay bahagi ng tuloy-tuloy na pagsubaybay at pagpapatupad ng batas sa Sulu, na layong pigilan ang ilegal na droga at limitahan ang pinagmumulan ng pondo ng mga armadong grupo.

Patuloy ang pagmamanman ng mga awtoridad sa lugar upang matiyak ang seguridad at maiwasan ang muling pagtatangkang ilegal na pagtatanim sa nasabing komunidad.