Nasakote ng mga otoridad ang isang lalaking itinuturing na high-value target (HVT) matapos mahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 milyon sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules.

Ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang suspek na si Montasser Abas Amat, alyas “Tats,” 45 taong gulang at residente ng Barangay Makir sa nasabing bayan.

Ibinahagi ni PLTCOL Esmael Madin, hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station (MPS), na ang naturang transaksyon ay orihinal na planong isagawa sa Barangay Kabuntalan, Sultan Kudarat. Gayunman, nauwi ito sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, kung saan nadakip ang suspek.

Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 150 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang may halaga na ₱1,020,000.

Bukod sa ilegal na droga, narekober din ang motorsiklong ginamit sa transaksyon, kasama ang ilang personal na gamit ng suspek.

Kasalukuyang nakakulong si Amat sa Sultan Kudarat MPS at sasampahan ng kaukulang kaso kaugnay sa paglabag sa batas laban sa ilegal na droga.

Photo Credits to Ebs Abang