Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 150 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Zone 2, Barangay Cagbang, Oton, Iloilo madaling araw ng Marso 25, 2026. Inaresto ang 38-anyos na suspek na kinilalang si alyas “Pringle,” na itinuturing na High-Value Individual (HVI).
Ayon sa pulisya, dati na rin itong naaresto sa kaparehong kaso at nakalaya noong 2021. Dalawang buwan umano itong isinailalim sa masusing monitoring bago tuluyang nadakip. Nakumpiska mula sa suspek ang 12 pakete ng pinaghihinalaang shabu, buy-bust money, at iba pang kagamitan. Pinangunahan ang operasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 katuwang ang iba pang yunit ng pulisya.
Pinuri ng pamunuan ng pulisya ang matagumpay na operasyon at muling iginiit ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 na may kaukulang parusang habambuhay na pagkakakulong at malaking multa.

















