Inilabas ng Commission on Audit ang mga obserbasyon kaugnay sa paggamit ng mahigit P2.2 bilyong pondo para sa edukasyon sa BARMM.
Ayon sa COA, may mga nakita umanong kahinaan sa procurement at disbursement processes sa ilalim ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education o MBHTE.
Kabilang sa tinukoy ang umano’y pagproseso ng P1.77 bilyong pondo para sa textbooks sa loob lamang ng isang araw.
Ibinunyag din ng audit ang paglalaan ng P449 milyong halaga ng learning kits sa iisang supplier.
Iniulat din na may 73 disbursement vouchers ang naproseso na may kakulangan sa dokumentasyon.
Bukod dito, aabot sa 53 kontrata na nagkakahalaga ng halos P2 bilyon ang may mga kakulangan tulad ng missing performance securities.
May isang kaso rin na iniulat kung saan naantala ng 520 araw ang delivery ng armchairs at hindi umano naipatupad ang tinatayang P16 milyong penalty.
Ayon sa COA, ang mga nasabing obserbasyon ay indikasyon umano ng kahinaan sa internal controls at pagsunod sa procurement rules.
Sinabi rin ng mga auditor na ang paulit-ulit na isyu ay maaaring nagpapakita ng mas malawak na hamon sa sistema at pamamahala.
Napunta rin ang atensyon sa pamunuan ng MBHTE kaugnay sa pagpapatupad ng oversight mechanisms sa panahong sakop ng audit.
Inirekomenda ng COA ang mas mahigpit na pagsunod sa procurement laws, maayos na dokumentasyon, at pagpapalakas ng internal controls.
Sa ngayon, inaasahang rerepasuhin ng mga opisyal ng BARMM ang nasabing audit findings para sa kaukulang hakbang.

















